Ipinanganak si Pineda sa Malolos, Bulacan noong Abril 10, 1912 sa mag-asawang Nicanor Pineda at Felisa de Guzman. Bata pa lang siya nang yumao ang kanyang ina, at pinakasalan ng kanyang ama si Marcelina Alcaraz noong siya'y 13 taong gulang. Siya lamang ang nag-iisang lalaki sa pitong magkakapatid.
Nakapagtapos si Pineda sa Bulacan High School, at una siyang namasukan bilang isang telephone lineman. Ngunit di siya nagtagal sa trabahong ito at namasukan na lang bilang karaniwang kawani sa ilang munisipyo sa Bulacan. Nailathala din ang kanyang mga maikling kwento sa Ingles, tulad ng “Five Minutes,” “Nila,” at “Auntie Writes the Ending” sa Graphic.
Pinakasalan niya si Avelina
Alcaraz, isang kamag-anak ng kanyang madrasta, noong siya'y 20 taong gulang, at nagkaroon ng pitong anak. Ngunit sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at kasama ang ibang mga manunulat tulad ni Clodualdo del Mundo at Brigido C. Batumbakal, ay sumama siya sa mga gerilya. Sa hirap na dinanas ng mga gerilya dulot ng digmaan, at dahil na rin sa kanyang mahinang katawan, ay nagkaroon ng tuberkulosis si Pineda.
Dahil ipinagbawal ng mga Hapon ang paglalathala sa wikang Ingles, maraming manunulat ay napilitang magsulat sa wikang Filipino. Isa na doon si Pineda, na ang kwentong “Suyuan sa Tubigan” ay itinuring sa 25 pinakamahusay na akda ng magasin na Liwayway noong 1944. Subalit naging kontrobersyal ang akda dahil sa hindi kumbensyonal na pagkakasulat nito, na siyang nasabing dahilan kung bakit hindi ito itinuring bilang isang “buong” kwento ng mga hurado sa timpalak at hindi nanalo ng unang gantimpala.
Matapos ang digmaan ay nanatili pa rin si Pineda sa pagsusulat sa wikang Filipino habang nagtratrabaho bilang ingat-yaman sa Bulacan. Ang kanyang mga kwento at nobela ay nailathala o ginawang serye sa mga magasin tulad ng Malaya (na pinamatnugutan ni Teodoro A. Agoncillo), Liwayway, Tagumpay, at Aliwan.
Ngunit lumala ang kanyang tuberkulosis, at pagdating ng 1947 ay napilitan siyang magbitiw sa kanyang trabaho dahil sa naturang sakit. Ang pagsusulat na lamang ang kanyang naging hanapbuhay, at siya ay nagsulat pa nang nagsulat para sa iba't ibang magasin, gaya ng kolum na, “Sabi ni Ingkong Terong” sa magasin na Daigdig, at ang horoscope na “Ang Iyong Kapalaran Sang-ayon sa mga Bituin,” para sa Liwayway. Dahil dito ay binansagan siya ni Agoncillo na nagtayo ng pabrika ng mga kwento sa kanyang bahay.
Tuluyan pang nanghina sa sakit si Pineda, at pumanaw noong Agosto 2, 1950.
0 comments:
Post a Comment