Itaas ang iyong noong aliwalas
ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!
Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan
magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay
at dalhin mo roon sa kaitaasan.
Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw
na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na't lagutin
ang gapos ng iyong diwa at damdamin.
Masdan ang putong na lubhang makinang
sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay
sa nagdurusa mong bayang minamahal.
Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais
kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig
doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap.
Ikaw na ang himig ay lalong mairog
Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot
at mabisang lunas sa dusa't himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot
Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan
matigas na bato'y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo'y nagiging walang kamatayan.
Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles
sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit
ginuhit ang ganda at kulay ng langit.
Humayo ka ngayon, papagningasin mo
ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala'y ikalat sa mundo
at ipagsigawan ang dangal ng tao.
Araw na dakila ng ligaya't galak
magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo'y lumingap
at siyang nag-akay sa mabuting palad.
Mga Katanungan:
1.ano ang nais ipakahulugan ng tulang ito?
2.Paano mo masasalamin ang tulang ito sa buhay mo?
3.May koneksyon ba ang tulang ito sa pamagat?
4.Ano ang nais ipabatid ng huling taludtod?
5.Ano ang natutunan mo sa tulang ito?
0 comments:
Post a Comment